Wednesday, March 21, 2007

"si efren"

Hindi pa tag-ulan ngunit tinatalo ng malalaking tipak na itim na ulap ang bughaw na lagit na humahalik sa dalampasigan.
Mag –aalas tres pa lang ng hapon ngunit ang mga batang dati’y nakikita na nagpapalipad ng saranggola ay tila wala, ang mga matatandang madalas mag-umpukan sa may tindahan ay animo’y bumalik sa lumang kasaysayan ang panahon ng hapon,.
Ang malulutong nilang halakhakan ay napapalitan ng pagkabalisa sa sandaling sumasapit ang ganung panahon.
Sa kanila ito ay nagbabadyang panganib.
Sinasarado ang mga bahay at nilalagyan ng sira o lumang gulong ang mga bubong na yari sa pawid, sapat na daw para makapagpatibay sa pagbisita ng malakas na hangin.
Dalawang taon simula ng lisanin nya ang bayan ng Quezon ang dating masaya na dinadayo ng turista para magbakasyon at aliwin ang payapang dagat ngayon ay bakas ng kalungkutan. Hindi makakalimutan ng sinuman ang mga madilim na nakaraan, ang pakikipagsapalaran sa latigo ng putik ng mga tao doon na pumapalo sa kanila hanggang sila ay bawian ng hininga. Ang dagat ng kanilang tambulan sa oras ng pangangailangan, ngayon sila ay pinabayaan. Halong paghanga at pag kaaawa ang naramdaman ko sa nangyari kay Efren, siguro masasabi ko na ang naranasan nya ay gaya din ng sa iba. Nakilala ko sya sa isang Tapsihan (kainan) Kasabay ko sya sa interview sa isang kumpanya, matagal pa akong maghihintay kaya doon muna ako nagpalipas ng oras. Tahimik sya at malikot ang mga mata, sa kanyang mukha, tingin ko ay hindi ka dapat magtiwala. Nagsindi ako ng sigarilyo at sya’y aking inalok, walang halong pagtanggi at agad nya itong inabot, Tantya ko ay hindi naglalayo ang aming edad,maaga lang siguro syang tumanda bunga ng hirap ng pinagdaanan.
Doon na nagsimula ang aming kwentuhan dahil sa isang sigarilyo. Sa kasagsagan ng bagyong iyon, na halos kumitil ng libu-libong taga Quezon si Efren na isang mag-aasin (gumagawa ng asin) ay sumadya sa ibayo para dalhin ang mga sako ng asin lulan ng kabayo na sinaklangan ng kalesa para maikarga ang mga paninda. Pauwi na sya noon mula na lisanin nya ang tahanan kaninang umaga, batid nyang malakas at mapanganib ang ulan na iyon kaya ganun na lang ang kanyang pag-aalala, nakikita nya sa daan ang paghihinagpis ng mga taga nayon na nagmamakaawa sa kanya maisakay lamang sa kanyang kabayo. Hampas dito hampas doon sa pobreng kabayo, lumalatay sa basang katawan nito ang hapdi mula sa lubid na kanyang iwinawasiwas. Inaagaw ng ulan ang aninag ng kanyang paningin sa bawat lalandasin nya ang daan pauwi, iniisip nya ang kanyang ina na may katandaan na at ang amang hanggang ngayon ay hindi nya alam kung nasa laot pa mula nung umalis sya kanina. Iniisip din nya mga kapatid na walang binabanggit kundi “kuya” kapag sila ay natatakot. Sa isang puno ng mangga napansin nya ag tatlong mag iina na balot na kumot.. Ang batang babae na naglalaro sa apat na taon ay nangangtog sya ay takot na takot na nakasukob sa makapal na tela habang ang kanyang ina ay tangan ang kanyang kapatid na sanggol. Nasasaksihan nya kung paano inaararo ng putik ang mga kabahayan. Bagamat nalampasan na nya ang tatlong iyon pinilit nyang mag maniobra at balikan ang nakakaawang kalagayan ng mag-iina, dagli nya itong isinkay at tinahak ang daan pauwi. Sa kanyang wari ano na kaya ang nangyayari sa kanila, ubos lakas nyang hinahataw ang kabayo mahabol lamang ang oras at maisalba ang naiwang pamilya. Abot tanaw na nya ang kanilang tahanan ngunit huli na ang lahat ng makita nyang nilamon ang mga ito ng dambuhalang putik. Walang bakas na itinira ang mapagsamantalang basang lupa, halos mawalan sya ng ulirat, pinilit nyang lumapit ngunit wala na syang magagawa bagkus minabuti na lang nyang dalhin ang kanyang sakay sa isa ligtas na lugar (evacuation area). Mahinahon nyang ibinaba ang mga ito. Tinanggal ni Efren ang kanyang sumbrero at ang suot nitong kamisi tsino. Kinuha nya ang balabal na tumatakip sa mga asin at ipinalit sa basang kumot na pananggalang ng mag-iina. Anu ba’t ang tadhana ay talagang nananadya, nanlaki ang kanyang mga mata ng makita na ang babaeng kanyang isinalba kapalit ang sariling pamilya ay ang minsan sa kanya ay nagbintang na magnanakaw. Dahilan para sya ay makulong ng ilang taon na kahit kalian ay hindi nya ginawa.

No comments: